Tuesday, October 23, 2012

Pinsan-slash-Bespren-slash-Angel-slash-Brother-slash-Lover?

Published with Blogger-droid v2.0.9



Isang napaka espesyal na tao ang nagbigay ng napaka gandang mensahe para sa nagdaan kong kaarawan. Hindi ko na lang piniling i-publish, kahit gusto n'ya. Kung titignan, marami ang mag-iisip na "boyps" ko si Luigi, pero ang totoo, magpinsan lang kami. Nakakatawang isipin, pero kahit ang sarili kong nanay e dumating na sa puntong pinagbabawalan akong sumama sa kanya dahil iniisip n'ya na baka maging mag boypren kami. Duh! Siguro ay nagkataon lang kasi na biglaan kaming naging malapit sa isa't isa na hindi talaga sanay kahit ang mga kamag-anak namin. Dumating lang kasi ang isang pagkakataon na may nangyaring hindi inaasahan at nagkaroon kami ng pagkakataon na magkasama ng mas matagal at makilala pa ang isa't isa ng lubusan. Nagkasunod-sunod ang paglabas labas namin, dahil interisado s'ya sa pinagdadaanan ko at naiintndihan namin ang isa't isa. Pinangako nyang aalagaan n'ya ako, dahil ayaw n'ya akong mapabayaan at maging pariwara ang buhay. Ikinasiya ko ang ideyang iyon dahil siya ang unang tao na nagbigay ng tiwala sa kakayanan ko. Pagtitiwala na kahit kanino ay hindi ko nakuha. Ilang beses ba akong naiyak sa mga payo at "word of wisdom" n'ya. Kaya malaki ang pasasalamat ko sa taong ito. Hindi namin naisip na sirain ang buhay namin para sa sariling kapakanan at bumuo ng relasyong higit pa sa pagiging parang magkapatid. Nagsama nga kami at nagkakilala para magung magandang ehemplo sa isa't isa at sumuporta, hindi para sirain. Noong una. naiinis kami sa kidit ng utak na mayroon ang mga tao, pero hindi naman namin sila masisisi kung mag-iisip sila ng masama sa nakikita nilang "closeness" namin ni Luigi. Ayaw n'yang tinatawag ko s'ya ng "Kuya" kahit mas matanda siya ng tatlong taon. Nakakapanibago dahil noon naman, nung hindi pa kami ganito ay 'Kuys Igy' ang tawag ko sa kanya. Pero ganoon pala talaga kapag nagkapalagayan na kayo ng loob, wala na yung hiya. At siya na lang ang taong kaya kong pagsabihan ng lahat-lahat.

Nasa ibang bansa na siya ngayon, at dahil do'n, hindi na ko masyadong nakakalabas. Siya kasi ang isang naging dahilan kung bakit ako parating gabi umuwi noong mga nakaraang buwan. Pero kahit malayo s'ya, walang nagbago. Nakakapag message pa rin kami sa isa't isa at mas naging mahigpit pa sya ng pagbabantay sa'kin. Pati ang Tumblr at Twitter acct ko, binibisita n'ya. Ito lang ata ang hindi ko pinaalam.

Gusto ko lang magpasalamat. Dalawang taon pa ang bibilangin bago tayo muling magkita, Luigi. Miss na kita at salamat sa mga payo at lalo na sa gabay. Guardian angel ka pala e!

Thursday, October 18, 2012

Alone~

Sa ngayon, natututunan ko na ang mag-isa na kung tutuusin ay hindi normal na bagay sa akin. Ayokong ayoko na mag-isa ako. Gaya na lang kapag kakain ako o mag-isa akong naglalakad sa campus na para bang wala akong kaibigan. Yung gano’ng feeling. Di ko kaya kasi ang nag-iisa. Pakiramdam ko kasi nakatingin sa akin ang mundo at sinasabing “hoy, kawawa ka naman! Mag-isa ka lang, wala kang kakampi!”. Pero sa tuwing ako naman ang nakakakita ng mga taong naglalakad na mag-isa, di ko naman naiisip yung gano’ng bagay. Pero ewan ko, sa tingin ko kasi ganun ang naiisip nila. Nakakatakot. Takot ako na pinag-uusapan kahit alam ko namang hindi talaga ako pinag-uusapan. Takot akong tumingin sa paligid ko kapag mag-isa lang ako. Natatakot ako na baka mga ngisi ang makita ko sa mukha nila. At tuwing mag-isa ako, mas pinapaalala nito na ang mundo ay isang malaking preso. Delikado. May lugar kung saan ka komportable, pero alam mong hindi pa rin sapat para masabing ligtas ka.

Takot ako mag-isa. Pero mas pipiliin ko na mag-isa lang ako hanggang sa tumanda. Wala lang. Ayoko rin kasing makakita ng mga mahal ko sa buhay na nag-aalala sa akin. Ayoko na isang araw, maging pabigat na lang ako. Yung ganun ba. Alam ko naman ang pinupunto ko di’ba? At lahat tayo, naisip na rin ang bagay na ‘yan. Pero sa ngayon, isa sa mga pinaka kinatatakutan ko ay ang mag-isa. Pero unti-unti ko na rin kasing inaalis ito at sinasanay ang sarili ko na ibagay sa mundo. Na kahit anong gawin ko pang pag-iwas para hindi makalaya sa labas ng magulong mundo sa pamamagitan ng pananatiling dependent sa ibang tao. Gusto ko lang ay nakakulong ako sa anino ng iba, para makaligtas. Pero darating din naman kasi ako sa araw na wala na akong kahit sino pang malalapitan, makakapitan kundi ang sarili ko na lang.

At dahil nga inuunti-unti ko na ang sarili kong makalaya, ito ang ilan sa mga gusto kong magawa ng mag-isa.. Sana..


  •  Kumain ng mag-isa sa isang restaurant
  • • Manood ng sine, wag lang horror. Saka na yun kapag matapang na matapang na ako.


  •  Manood ng gig.
  •  Magkape habang walang ginagawa bukod sa kape lang..
  •  Mag-yosi sa bangketa
  •  Makipag-date sa sarili ko (parang katulad din ng nasa taas, pero sabay-sabay ko lang gagawin dito)
  •  Magbasa ng libro sa isang lugar sa school


Madami pa siguro, pero mababaw yang mga yan, pero sa akin mahirap kasing gawin yan.

PERO! Kaninang umaga, dahil wala nga akong phone, exam week, wala akong contact sa mga palagi kong kasama sa school. Medyo nakakatulong din kasi na wala akong phone e. Wala akong choice kundi gawin ang ilang bagay na mag-isa kasi wala akong mahihingan ng tulong. Nakakapressure nga lang, dahil kapag mag-isa lang ako, para bang palaging naka-alerto beintekwatro ang five senses ko. Di katulad kapag may kasama ako, panatag lang ang loob ko. Kaya siguro nakaka stress ang pag-iisa, kasi mas maraming muscles ang nakakagamit, at nakakapagod sa utak. Ayun nga, nakapagyosi ako ng mag-isa kanina habang umiinom ng malamig na malamig na kape sa tabi ng isang fastfood chain. Di ko lang alam kung bangketa ba 'yun, dahil di naman along the hi-way, pero malapit. Duh. Achievement!


Wednesday, October 10, 2012

Fated to..?

Naniniwala ka ba sa fate?

Ako, oo.. Well, dati naman hindi e.

Paano ba? Ahm, diba ang fate ay destiny rin? Teka, hindi 'to tungkol sa pag - ibig ha, yuck!

Anyways, ang fate kasi, sabi nga nila, bago ka pa ipinangak sa mundo may nakalaan ng kapalaran para sa'yo. Yung parang kahit anong ikot at pasikot-sikot pa ang gawin mo sa buhay mo, kahit anong iwas at liko pa ng daan ang daanan mo, sa huli, iisang lugar pa rin ang kababagsakan mo. Ilang beses na rin kasi akong pinaglaruan ng kapalaran, nuks, parang ganito yung mga naririnig ko sa mga teleradyo kapag hapon e. Pero seryoso, yung tipo na, gusto kong ganito ang gawin ko, gusto kong mabawi yung isang bagay, o gusto kong isalba pa ang ala-ala ng isang mahalagang bagay sa buhay ko. Pero kahit anong gawin kong paraan, hindi ko pa rin nakukuha. Di pa rin umaayon sa akin. Kaya kahit di ko matanggap, ano pa bang magagawa ko, naka ilang subok na ako, di mo na pwedeng sabihin sa'kin na "try and try until you succeed". Magagasgas ang kasabihan na yan kung susubukan kong kalabanin ang kapalaran. Kaya tinatanggap ko na lang. Di naman madali, pero kasi sasayangin ko lang ang oras ko kung maghihimutok ako.

Example 1:
Ang dami kong naiwan na gamit sa dati kong dorm. May isa o dalawang taon na rin ata nung umalis ako ro'n. Pina-habilin ko sa mga room mate ko yung mga naiwan ko pang gamit. Kasama 'ron e ilang libro, unan at isang bag na may kasamang wallet at saka yung mga Candy Magazine at poster ng Twilight (hehehe). Nitong nakaraang buwan, naisipan kong kunin na yung mga gamit ko. Pinilit kong ma-contact yung mga room mate ko, nagpalit na pala lahat ng number, nung nakuha ko na, hindi raw nila alam kung nasaan na yung mga gamit ko, unan ko na lang daw ang natira. Itanong ko raw sa isa pa naming room mate. Tinanong ko, ang dahilan naman n'ya, nag General Cleaning raw sa dorm at lahat daw ng gamit na naiwan ay itinago. Kahit daw yung ibang gamit nila nawawala. Pinakiusapan ko na baka naman pwedeng makuha kahit yung wallet ko lang. (Paborito ko kasi yon, kahit ilang beses na kong nanakawan gamit yon, mahal ko yun) Laman kasi nun, yung mga id ko noong 4th year highschool ako at yung tatlong i.d ko no'ng eng'ng student pa ako. At ang pinaka mahalaga sa lahat, yung kwintas at bracelet na ibinigay ng pinakamamahal kong EX. HAHAHA. Pero walang kwenta naman kasi yung mga room mate ko, parang naiirita pa sila na inaabala ko sila para sa isang wallet lang. Pero yung unan ko pinapakinabangan nila. May mali rin naman ako, dahil hindi naman nila gamit yon, pero sana man lang sinabihan nila ako na wala na, o kaya kunin ko na yung mga gamit ko kasi maglilinis ng dorm. Pero wala na, huli na ang lahat, lahat na ng paraang naisip ko di umubra sa mga room mate ko. Nabwisit ako kaya sabi ko sa kanila na lang yung unan ko, nakakahiya naman e. Inisip ko na lang na baka kapalaran ko na lang talaga na kalimutan yung mga bagay na 'yon. Na eto na yung tamang panahon para pakawalan ko na yung mga ala-ala. HAHAHAHA, tangina.
Example 2: 
Eto, ang tumatanda na ako pero hanggang nagyon nag-aaral pa rin ako. Kung sa ibang tao e hindi big deal ang edad at oras, sa pamilya kasi namin, iba. Dahil nga ako lang naman ang nagkaganito. Yung..sige sabihin na nating nagloko, pero hindi naman sobra. Hindi naman kasi raw nila inaasahan na magkakaganito ako, dahil babae raw ako at mabait noon, hindi naman din daw ako bobo. Eh? Pero kasi nga, pangatlong kurso ko na 'to e. Una nga kasi ECE ang course ko. Nag-engineering ako kahit hindi ko alam kung anong ibig sabihin ng E.C.E. Basta ang alam ko lang no'n, kapag engineering daw, puro math! Totoo naman, tska mahirap talaga (wala namang madaling kurso e!) pero sinabi ko sa sarili ko na "hindi, kaya ko 'to! Kakayanin ko!". Ganyan lang ako nung umpisa e, syempre kapag umpisa gaganahan ka, lahat ng kaklase mo masisipag, may group study pa kami nun. Nagtuturo ng Algebra yung classmate naming matalino. Nakaraos naman ako ng isang sem, pero dahil parang wala pa rin sa loob ko yung pinag - aaralan ko, pagdating ng second sem, ayun! Dun na lumabas yung tunay na ako. Tamad mag-aral, pumasok, di gumagawa ng assignment, parating late. Nakakatamad naman kasi! Tatlong subject ata ang bagsak ko, dalawang drop at isang incomplete. Hindi ko rin insahan na ganitong kaaga ako mawawalan ng interes. Nalaman kong hindi talaga 'to ang kurso para sa akin. Nakaabot pa ako ng 3rd year, pero nung nagkaroon ako ng bagsak sa major, pinapalipat na ako ng nanay ko ng school. Payag naman ako kaso may isang prof ang nag-suggest na mag shift na lang daw ako ng IE. Gusto ko na nun ang MassComm, kaso nanghihinayang yung nanay ko sa tatalong taon na pinag-aralan ko sa ECE, kaya di na n'ya ako inilipat at nag-IE na lang ako. Pinangako nung prof na babantayan ako. Syempre dahil sa Pilipino s'ya, ningas kugon lang naman, nung mga pahuli, di na n'ya ako kinakamusta. Okay naman, parang unti - unti ko na lang din na tinggap na, kapag gumraduate ako bilang IE, magiging engineer ako. Pero di naman ako masaya, Iniisip ko na kapag nagtatrabaho na ako, baka pagsawaan ko lang. Ayun, dumating na naman ang isang problema, nabwisit na ng tuluyan yung nanay ko sa'kin, ililipat na raw n'ya ko sa malapit (dito na yun sa bago kong school) IE pa rin ang course ko. Hahaha. Walng kadala-dala yung nanay ko, ayun nagloko na naman ako. Di ko pinapasukan yung drawing, ayoko kasi nun, kahit mataas naman ang garde ko sa mga major ko. Di na raw ako papasok. Hayaan na lang daw akong maging tambay forevs. Tanggap ko na e! Handa na kong magtrabaho, pero dahil mabait yung asawa ng ate ko, pag -aaralin nya raw ako sa GUSTO kong kurso. Pumayag ako, syempre! Kaya naman eto, ABComm na ako. Masaya na ako sa ginagawa ko. Di na ko umaabsent, well, minsan, pero sinisigurado ko na hindi ako babagsak. Kasi ang usapan, isang bagsak lang, titigil na talaga ako. So, yes, ang tagal ng proseso pero di ko pinilit yun, kusang dumating.
Kaya nga sabi nila, tanggapin mo na lang kung anong inilaan para sa'yo. wag kang sakim, yabang mo rin e. Pero yun nga, wala naman ata talagang kinalaman ang "fate" dito. Pinilit ko lang magkwento. Duh

Tuesday, October 02, 2012

Panibagong Simula, Gitna at Wakas..

Wala naman sa edad yan, ang mahalaga makatapos ka.
Tama naman ah. Kung naging hadlang man sa'kin yung mga kalayawan ko noon para makatapos, sige dagdag na talaga yung katamaran kong pumasok, pwes ngayon, nagbago na ko.

Wow. NAGBAGO! Oo nga, siguro ngayon nabawasan na yung mga pagala-gala, inom, pagbababad sa harap ng telebisyon na nakakadagdag talaga sa katamaran ko, kahit yan nagiging bisyo ko na. Pero wala, lahat naman kasi ng bagay may katapusan at lahat maaring mapagsawaan kapag paulit-ulit na ginagawa at wala namang magandang naidudulot. Siguro nga dumating na lang ako sa punto ng buhay ko kung saan sawa na king gawing patapon ang buhay ko. Ano nga naman kasing mapapala ko kung maghapon akong hihilata sa lumang sofa at humarap sa telebisyon maghapon. Uminom ng alak na nakakalaki na nga ng tiyan, sakit pa sa pakiramdam kinabukasan, magastos pa sa tubig dahil sa uhaw. Siguro lang nga, gusto ko na maranasan ang tunay na buhay. Kung ano ba talaga ang dapat ginagawa ng isang indibidwal para mabuhay.

Tanging pangarap na lang talaga ang hawak ng isang taong mahirap. Pangarap na kahit sa umaga, tanghali o gabi at hatinggabi makakaya nyang isakatuparan kahit sa imahinasyon lang. Syempre, dagdag sa pogi points kung nakapag-aral ka pero mahalag pa rin na madiskarte.

Di ako nahihiyang sabihin na nakatatlong course na ako ngayon. Bakit? May mga taong mas malala pa ang sitwasyon sa akin. Mas may malalaki pang pader na dapat gibain ang iba, pero ako, akong kahit ilang tipak na ng semento ang naipatong, nakahanap pa rin ng butas at nakalusot. Pinagbigyang magpatuloy at kunin ang kursong matagal ko na palang itinatago sa ilalim ng kama ko. Ngayon ngang hawak kamay ko na at nagsisimula na ako, di na ko pwedeng magpa petiks petiks pa at baka sa hulu mapektusan lang ako ng mga nagbabantay sa'kin na kaluluwa. De, joke lang, Kumbaga, eto na yun e! Akala ko noon e, gigising ako para pag-aralan ang pagiging inhinyero pero di ako aakalain na may isang umaga rin pala na darating para gumising sa bagay na yayakapin mo hanggang sa matulog ka ulit.

Hindi ko pinangarap na maging magaling. Gusto ko na hanggang makatapos ako, matuto lang ako ng matuto. Maghanap ng inspirasyon at isabuhay. Film lang naman ang gusti ko noon, pero malay ko ba baka may nakalaan din palang uamaga para basahin ko sa harapan nyo ang mga nagbabagang balita ng bansaa, o maging isang mahusay at tanyag na scripwriter ng mga pelikula, o editor ng isang kilalang broadsheet, o kahit isang cinematographer o photojournalist. Masaya sana maging freelance writer kaso di naman ako ganun kagaling. Pero mapapa-practice ko yun! Hehe.

Humahanga nga ako sa mga bata kong kaklase, bata pa lang ang dami nang alam, pero ako, eto, magsisimula pa lang. Sabi nga, kung gusto mo naman ang ginagawa mo, wala nang ibang dahilan para hadlangan 'to. Walang edad edad! Sus, anopama't tatanda rin naman sila, mauuna lang ako.

Masaya lang talaga ako, na sa huli, nagawa ko pa rin ang gusto ko, kaya naman iniiwasan ko na lang na ipahiya pa ang sarili ko sa mga taong hanggang ngayon ay nagbibigyay ng tiwala nila sa akin. Bayd na lang din sa kabutihan.

Alam ko kasing salat lang ako, at kaya kong isabuhay ang mga pangarap ko, kailan ko man gustuhin. :)