Kung minsan, nasasanay na tayo sa mga bagay na nandyan. Maghahanap tayo ng taong wala naman. Ipipilit mong itugma ang lahat. Hindi ka nagtagumpay.
Saka mo maaalala yung mga taong dati rati, parating nandyan. Matagal na naghihintay, ikaw naman ang mismong umaayaw. Malalaman mo na lang, malayo na sila pero hindi naman tuluyang nawala.
Binalewala mo pa rin, pinilit tumingin sa iba na alam mo namang mahirap makuha at walang kasiguruhan. Hindi naman sa ayaw mo sa nandyan lang, naghahanap ka lang dahil akala mo may mas hihigit pa sa nakapirme lang. Inaasahan mong may tao kang makikitang kapareho ng tibok ng puso mo.
Pero paano na ngayon? Wala kang nakita, nahanap. Walang pumantay sa tibok ng puso mo. Saka mo na naman naalala yung mga taong nandyan lang parati sa’yo, naghihintay. Pero sa pagkakataong ito, napagod na rin sila, nasaktan sa ginawa mong pambabalewala. Hangad lang naman talaga nila na mapahalagahan mo ang ginagawa nila pero tinalikuran mo. Akala mo kasi. Nasanay kang nandyan lang sila at hindi aalis.
Pero lahat talaga may katapusan. Ngayong nag-iisa ka, wala ka nang mabalikan. Wala na ang taong nandyan. Nakita mong nakahanap na s’ya ng taong magpapahalaga sa kanya. Hindi ikaw..
Hindi mo naman alam kung ano ba ang tamang maramdaman. May kirot, panghihinayang. Sayang, siguro masaya ka na rin ngayon kung binigyan mo lang ng pagkakataon.
Pero huli na ang lahat. Hindi mo na maaaring ibalik ang dati. Hindi lahat ng tao maghihintay. Tatakbuhan mo lang kapag walang wala ka na. Maaalala mo lang kapag nag-iisa ka na.
Sayang ba?
isa sa mga solid na halimbawa ng pagiging brutal ng tadhana.. hehehe
ReplyDeleteGrabe maglaro ang tadhana. Pero bakit nga kaya ganun no? Nakakainis. Hahaha!
Delete