Ilang beses ko na kasing sinubukang sabihin sa'yo na gusto kita. Pero pinipigilan ako ng mga kaibigan ko. Magpakipot naman daw ako kahit kaunti. Pero ako kasi yung tipo na hindi ganun. Mas nagkakabuhol-buhol ang isip ko, parati akong tulala at aligaga. Parati akong walang ibang naiisip kundi ikaw.
Pero nitong mag nagdaang linggo nga, naging mahirap ang lahat para sa akin. Hindi na kita ramdam masyado, di tulad noong mga unang araw na kakikilala pa lang natin. Alam mo yung ramdam ko ang interes mo sa akin, ramdam kong gusto mo akong kausap, pero siguro sumobra ako. Siguro may nakita kang ayaw mo, o siguro unan pa lang ayaw mo na sa akin. Baka binigyan mo lang ako ng pagkakataon na patunayan ang sarili ko sa'yo, pero hindi umubra. Ayaw mo talaga.
Ilang beses ko na rin pinigilan ang sarili ko na sabihin na "gusto kita" "mahal kita?". Hindi ko alam, pero di ko kontrolado ang puso ko kapag ganitong di na mapakali. Ilang beses ko ring sinubukang iwasan ka na ng tuluyan. Pero eto nga at bumabalik-balik pa rin ako. Nagpanggap akong lasing habang katext ka, sinabi kong gusto kita, puta diba?
Manhid ka kasi, o nagpapakamanhid lang. Alam ko naman na alam mong may gusto ako sa'yo, hindi mo lang tinitignan dahil ayaw mo akong makitang nasasaktan, siguro? Hindi ko alam. Bakit ka pa kailangang mag-alala, hindi naman tayo mataal na magkakilala, kayang kaya mo akong hindi na kausapin at pansinin, pero ikaw naman mismo ang nagsabi na "okay lang," ang dating e, wag akong lalayo. Syempre, iba ang dating sa akin ng mga pahiwatig mo. Akala ko naman sadyang ganyan ka lang, o baka naman kahit papaano e may pag-asa ako. Alam mo yin? Sa bawat negatibong pangyayari na posibleng mangyari, sinisiguro kong may kaunting pag-asa pa rin. Kinukumbinsi ko ang sarili ko.
Pero ngayon lang. Di ko alam, sabi mo nga siguro lakas trip ko lang 'to. Nagtext ako sa'yo ng kung anu-ano. "Ang gwapo mo" " ang talino mo" "mukhang mabait at matino" "pwede ka bang ligawan?" Sa lahat ng yan tinatawanan mo lang ako, sabi ko "choosy ka pa." Ang sagot mo lang naman ay "wag ganyan, tropa tayo e."
Ah, puta! Kapag sa'yo pala nanggaling, masakit talaga. Tropa lang tayo. Dapat umpisa pa lang, alam ko na. Hirap kasi na umaasa tayo dahil may binibigay silang pag-asa. Pinapakita nilang pwede, sige, tangina, itanggi n'yo na hindi pag-asa yun! Pero, teka, di ako maka get-over. Medyo nagmo-move on nakasi talaga ako. Di na ko masyado nageexpect e. Ayun na e. Kumabaga, nasa stage na ako na bubuksan ko na lang ang Exit Door at hahakbang palabas. Pero bago ko pa man mahawakan ang doorknob, sinampal mo pa ang katotohanan.
Masakit. Sobra. Sige, tropa. Last na 'to. Pramis. Iyak lang ako ng konti ha?
No comments:
Post a Comment