Saturday, January 21, 2012

Lutang na Pangarap

Ang sabi nila, masama ka daw. Bawal tikman. Bawal mahawakan, lalo na ang maamoy. Pilit akong lumalayo sa’yo, dahil sabi nila wala ka naman daw idudulot na mabuti. Dahil sabi nila, hindi ka nararapat sa kahit sino.

Pilit ang paglayo, pero ikaw din naman ‘tong lumapit. Gusto ka ng mga kaibigan ko, pero hindi ako. Hindi naman ako tumututol sa pagkagusto nila sa’yo, wala akong sinasabi kapag ginagamit ka nila. Pero, di lang maiiwasan ang pag-iisip ko sa’yo. Ang pagpasok sa utak ko ng mga katanungan na hindi ko alam ang sagot. Alam kong ikaw lang ang makakapagsabi, ikaw lang ang makakapagpatunay ng mga paratang nila sa iyo.

Hindi ko naman sinasadya, isang sesyon ang dumating. Tanging pag-inom lang naman ang gingawa namin. Hithit ng sigarilyo, dumadag lang sa hilong nararamdaman ko. Nagsimula ka nilang pag-usapan, nandun ka pala. Wala lang sa’kin, hindi kita pinansin. Pinagmasdan ko lang kayo. Wala na, hilo na talaga ako sa mga nagyayari, sinisimulan ka na nila. Sa pagkakataon na ito, nasa pinaka mahinang estado ako ng pagkatao ko. Umiikot ka na sa mesa, tinanggihan kita. Umikot ulit, nakita ko ang isang kaibigan na alam kong hindi ka kaya kahit mahawakan, pero dahil sa pagkahilo sa alak, bumigay sya sa’yo.

Wala na ko sa normal na mundo, wala na kong maisip na matino. Lalong lumakas ang pagnanasa kong mahawakan ka, matikman. Hindi nga nagtagal, napasakamay na kita. Nanginginig akong inilalapit ka sa’kin. Sa pagdampi mo sa aking bibig, hithit ng isa.

Tang’na! Nakakapaso ka! O ako lang ang nakaramdam nun. Nagulat ako at natauhan. Naitapon kita ng hindi sinasadya. Siguro nga’y hindi ka nararapat para sa’kin at sang-ayon ako dun.

Hindi na kita muling lalapitan. Magkikita pa tayo, alam ko. Pero alam kong wala na. Hindi na.

No comments:

Post a Comment