Saturday, January 21, 2012

Ba't Kasi, Gusto nga?!!

Hindi ko alam bakit ako natutuwa nung nalaman kong ibabalik na yung mga cartoons na kinahiligan at kinaadikan natin nung kabataan natin (kung 90’s baby ka). Natuwa ako kasi mababalikan ko na naman yung mga cartoons na nakakapagpasaya sakin dati. Walang sawa sa panunuod. Yung pakiramdam na hindi ka nawawalan ng interes sa mga napapanuod mo. Nalilinlang ka pa ng mga powers powers nila. Napapaniwala ka pa nila sa mga shits nila. Ang saya lang. Ang gaan sa pakiramdam. Ibang-iba noon kaysa ngayon.


Ibang -iba talaga yung kabataan noon. Simula pa lang sa paraan ng paglalaro, sa pinapanuod. Kumbaga, pantay-pantay lang ang mga bata dati. Medyo nakaka angat lang yung mayayaman na nakaranas ng gameboy mas maganda kung colored at yung sega. Pero halos lahat naman nakakabili ng mga laruan dati, mura lang naman mga laruan dati. Ultimo yung mga papaer dolls at mga libreng laruan sa loob ng tsitsirya masaya na tayo. Masasabi kong mababaw lang tayo dati. Masaya na tayo sa mga simpleng bagay. Di tulad ngayon. Alam mo na yung tinutukoy ko.


Naalala mo pa ba yung mga panahon na bilad ka sa araw at pawis na pawis sa kalalaro sa kalsada? KJ pa nga yung mga batang ayaw maglaro sa labas at maarawan. Ako, isang batang kalye. Simula umaga yon, pahinga lang ang pagkain ng tanghalian. Matik na yung usapan na babalik ng hapon at itutuloy ang paglalaro, titigil lang kapag dumidilim na, at kapag may napikon na sa pagtutuksuhan.


Ang sayaaaaa. Ang sayang balikan. Alam kong alam nyo na ‘to. Pero ang sarap talagang balikan eh. Iisa ang pag-iisip ng mga bata dati. Wala atang batang hindi nakapagsulat sa slumbook ng mga kaklase nya, o ngkaroon ng slumbook. Nag-ipon ng mga kisses at lagyan ng bulak para manganak. Oo, naloko don ako ng kisses na yon. Naglalaro ng jackstone sa loob ng classroom habang nanggugulo yung mga lalaking kaklase. Nag iipon din ng mga mababangong stationary, napapalitan pa. Nakakabili ako nun dati kahit bente pesos lang ang pera ko. Pinag-iipunan talaga yon. Maglalaro ng chinese garter sa labas ng room habang maaga pa sa panghapon na klase. Kapag hindi pa tapos, itutuloy yun pagkatapos ng klase.


Uuwi ka, pagod. Mag-aaral at gagawa ng assignment. Manunuod ng mga paboritong cartoons. Kakain at matutulog.


Ganun lang. Kaya siguro masipag pa kong mag-aral dati, maspag ding pumasok. Dahil din yun sa mga larong nakagisnan ko at sa mga cartoons na napapanuod ko.

No comments:

Post a Comment