Mainit na, pero hindi pa rin ako pinagpapawisan. Parang ang haba ng nilakad ko pasakay ng jeep.Nakarating din. Naiinip na naghintay, may mga tatlumpung minuto din akong nakatanga sa jeep, saka ko lang naisip na buksan ang librong ipinahiram sa'kin. Mas bumibilis talaga ang oras kapag may ginagawa ka, namalayan ko na lang na siksikan na pala sa jeep. Naiinip pa din ako. Ngayon na lang ulit ako babyahe ng ganito. tatahakin ko ulit ang nakasanayan kong daan. Pero mas matagal ata ngayon.
Pagkababa sa jeep at nakaligtas na sa mga mapanuring mata ng ibang mga pasahero. Nakahinga ako ng maluwag. Pamilyar na lugar. Nagkukusa pa din ang mga paa ko kung saan ang tamang daan. Bus naman ang susunod kong sasakyan.
Katabi ang isang ale, katapat ang isang matangkad na lalaki, katabi nya'y isang lalaki rin. Sinaksak ko na ang headset sa tenga ko,maganda ang pelikula sa magandang screen, pero wala akong marinig. Maya-maya pa, narinig ko na ang katabi ko na may kausap, papalakas, parang galit. May kaaway. Oo nga, shota nya ata. Matapang ang matanda, 'di nagpapatalo. Kasama nya pala ang lalaking katabi ng katapat kong matangkad na lalaki. Nagtataka tuloy ako kung bakit hindi sila nagtabi. Pero hindi naman sila ang kwento, medyo interesante lang din kasi.
Naidlip ata ako, pero ang katabi ko, galit pa ring kinakausap ang nasa kabilang linya. Bakit hindi na lang nya ibaba ang telepono? Wala naman silang napapala sa pagbubulyawan, nakakistorbo pa sila. Mabuti na lang at bababa na rin ako. Naglakad papuntang istasyon ng tren. Gusto ko sanang tumigil para bumili at magsindi ng sigarilyo, pero pinigilan ko ang sarili ko. Bukod sa ipinangakong titigil na, nagmamadali ako. Wala namang naghihintay, pero parang sabik na sabik akong makarating agad.
Puno ang tren. Ano pa bang aasahan ko? Normal na 'to. Nakatayo ako, swertehan lang ang makaupo ako sa mga pagkakataon na ganito. Pinipili ko na lang tumayo talaga, kesa makonsensya pang makakita ng mtatandang nakatayo. Ang daming tao. Sabado nga pala. Habang papalapit ng papalapit lalo akong nasasabik.
Pero bakit parang inip na inip ako sa naging byahe ko? Kahit sa pagababa ko sa tren at tahakin ang daan papuntang terminal ng van, parang ang haba. Napagod ata ako, pero matagal ko nang ginagawa 'to. Matagal na kong bumabyahe sa lugar na 'to. Pamilyar pa talaga ang lahat.
Pawis na ko. Sa wakas. Nararamdaman ko na. Gutom na rin ako.
Mahabang bhaye, nakaramdam na ko ng pagod. Pero mabilis pa rin ang lakad ko.
Nakarating na ko. Andito na 'ko.
Pero, wala ka.
No comments:
Post a Comment