KASAMA KO SI SUPERMAN.. March 28, 2012.
Oo, paulit-ulit kong sasabihin na first year anniversary ng blog ko. Sa previous post ko, sinabi ko na gusto ring maging makabuluhan ang araw na 'to. Hindi ko talaga sinabi 'yon, balak ko talaga manuod ng Hunger Games mag-isa. Pero sa sobrang pakiramdam ko na hindi ko makakayang gumalaw ng mag-isa ng isang buong araw, minabuti ko na lang umuwi.
Teka, nasabi ko na ba? Ay, hindi pa nga. Siya nga pala si.. Classmate ko sa bago kong school. Hindi ko na rin matandaan kung kailan nga ba kami naging malapit sa isa't-isa, pero ang naaalala ko, dumadalas ang pagtetext namin. Hanggang nito ngang araw na 'to e, inaya ko s'yang magyosi. Lakas trip lang ako, dahil parang walang mangyayaring kakaiba sa araw na pinipilit kong maging mahalaga. Hindi naman ako nabigo, at pinagbigyan nya ako. Nasa school raw s'ya. Pinuntahan ko s'ya, nagyosi kami. Konting kwentuhan. Sa totoo lang, iyon ang unang pormal na pagpapakilala namin sa labas ng room, sa labas ng school. Nabanggit ko rin pala sa mga nauna kong post na gusto ko mag-inom. Niyaya ko rin s'ya, pumayag s'ya, pero hindi ko in-expect na ngayon na rin pala 'yon. Nauwi nga kami sa inuman, inumang may kasamang masayang kwentuhan. Kami pa lang dalawa nun, pero dumating din 'yung ibang mga kaibigan nya. Ipinakilala n'ya ako, at nagsimulang mas maging malapit kami sa isa't-isa. Habang lumalalim ang gabi mas lalo pa naming nakikilala ang hilig at gusto pati mga ayaw namin. Marami pala kaming pagkakapareho. Halos sa lahat ng bagay.
Ang gaan kasi ng pakiramdam ko kapag kasama ko s'ya. Minsan ko nang naranasan ang pakiramdam na 'to, pero uulitin kong sabihin na iba 'to kesa sa sino pa. Mukhang nagugustuhan ko na s'ya, at ganun naman din ang pinakikita n'ya sa akin. Lumalim ang gabing magkasama pa rin kami. Masaya akong uuwi kahit na alam kong may naghihintay na sermon at konting sabunot sa akin pagpasok ko sa pintuan namin..
Hinatid n'ya ako hanggang sa may kanto namin, hanggang sa bahay sana kaso inaalala namin na baka wala na s'yang masakyan pauwi. Sumikip ang dibdib ko. Wala sa plano na maramdaman ko ang bigat ngayon ng dibdib ko. Magkahawak ang kamay na humarap sa isa't - isa. Isang mahigpit na yakap ang iginawad. Ayoko pang bumitaw, ayoko pa s'yang umalis. Ayoko na s'yang mawala. Pero alam kong hindi pwede..
Natulog ako, nakangiti. Hindi mo mapapansin ang pinagdaanan ko noong mga nakaraang mga linggo. Walang papantay sa araw na 'to. Hindi ko inasahan na mas magiging espesyal pa ang araw na 'to sa inaasam ko. Eksaktong bago matapos ang petsa na 'yon, nakatulog ako. Hanggang sa panaginip ko, s'ya lang ang nakita ko. Hanggang paggising ko, inaalala ko lang ang mga nangyaring hindi ko alam kung totoo ba o hindi..
Masaya.
Masaya talaga.
Sobra.
Kung panaginip man 'to, eto 'yung pagkakataon na tatanggapin kong mabuhay na lang sa kathang-isip na paniniwala. ayoko na talagang gumising.
No comments:
Post a Comment