Sunday, March 03, 2013

Dense feet.

Marahan lang kung dumating. Dahan-dahang kilos at pagsasalita. Ingat na ingat sa gagawing ekspresyon ng mukha. Dapat tama. Dapat sakto. Dapat di sosobra. Dapat hindi mahahalata. Dapat "neutral" lang.

Para kasing kapag naunahan ka ng kaba at ng saya, baka maudlot pa. Gustuhin mo mang umurong pa, hindi mo na magawa. Kasi naman imbes na isang hakbang sa isang patlang, isang hakbang sa limang patlang ang ginagawa. Ang kailangan lang namang sikreto ay ang pigilan ang bugso ng damdamin. Huwag i"pressure" ang sarili sa mga pangyayari. Darating talaga ang tamang araw, 'wag mainip. Kasi kung ipipilit nawawala na yung majik. Kung ipipilit parang walang parte na masaya at magaan? Panay pangamba at negatibo ang masasagap mo, hindi mabuti. Dapat kung paano ang pakikitungo n'ya, ganun ka lang din sa kanya. Dapat kung paanong pakikipag-usap ang ginagawa n'ya, pantayan mo. Isang maling hakbang, lalayuan ka.

Ganyan ang inuugali ko sa'yo, dahil walang gustong unang sumuko. Wala rin naman gustong maglinaw ng mga bagay-bagay. Gustuhin ko mang maunang mag-unat ng paa upang humakbang muli paharap, baka hindi ka sumunod. Maiiwan ka sa dulo at ako, mag-isang haharapin ang piniling daan na hindi mo pala gusto.

Nakakatakot na muling sumubok o marahil natatakot lang na muling mabigo. Kaya naman mag-tiyaga na lang sa ganitong disposisyon. Hintayin natin kung sino ang unang maglalakas loob. Kung wala naman, hintayin na lang natin dumating ang panahong may mapapagod at susuko sa ganitong klase ng pakiramdaman ng paa at puso.

No comments:

Post a Comment